dzme1530.ph

Paggamit ng POGO sa surveillance at hacking activities, ikinabahala ng mga senador

Naalarma sina Sen. Risa Hontiveros at Sen. Sherwin Gatchalian sa ulat na hindi lamang sa iligal na sugal ngunit ginagamit na rin sa surveillance at hacking activities ang mga POGO sa bansa.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Women and Children sa tinalakay na POGO Complex ng Zun Yuan Technology sa Baufo Compound sa Bamban, Tarlac, sinabi ni Hontiveros na nakarating sa kaniya ang intelligence report na ginagamit ang naturang POGO sa paniniktik ng mga Tsino.

Nadiskubre na sa naturang compound umano isinagawa ang hacking sa ilang websites ng gobyerno ng Pilipinas.

Sinabi naman ni Gatchalian na mas nakababahala na nagagawang makapagpasok ng mga Tsino ng mga espesyal na kagamitan para sa hacking at surveillance na hindi natutunugan ng mga law enforcement agencies ng bansa.

Kasabay nito, sinabi ng mga senador na hindi kapani-paniwala ang maging pahayag ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na wala siyang kinalaman sa POGO gayong maraming dokumento ang nagpapatunay ng pagkakasangkot niya rito.

Inihalimbawa pa ni Gatchalian ang isang Ford Expedition na nakapangalan sa kaniya at nasabat sa POGO complex na sinabi niyang binili lamang niya subalit hindi niya kailanman nagamit at ibinenta na lamang.

About The Author