dzme1530.ph

40 milyong Pilipino na walang maayos na suplay ng tubig, pinatututukan

Pinatututukan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang 40 milyong mga Pilipino na walang maayos na suplay ng tubig.

Sa sectoral meeting sa Malakanyang kaugnay ng Water Resources and Management, inatasan ng Pangulo ang Department of Environment and Natural Resources  (DENR) at mga kaukulang ahensya na tugunan ang 40 million underserved population.

Kabilang sa mga iniutos ang pag-convert sa mga dams ng National Irrigation Administration (NIA) para sa multi-purpose use upang magamit din ito sa agrikultura, suplay ng malinis na tubig, at maging sa enerhiya.

Hinimok din silang humanap ng foreign funding sa mga tinukoy na Priority investment areas.

Sa panig naman ng Department of Public Works and Highways (DPWH), ipinakita ni DPWH Secretary Manuel Bonoan ang Flood Control Management Programs na layuning magamit pa ang tubig-baha sa ibang bagay tulad ng irigasyon, water supply, at enerhiya, upang hindi ito i-deretso na lamang sa karagatan.

Ayon kay DENR Undersecretary Carlos Primo David, karamihan sa 40 million na residenteng walang access sa formal water supply ay nasa Mindanao partikular sa Bangsamoro Region at gayundin ang mga nasa maliliit na isla.

About The Author