Hinimok ni Sen. Francis Tolentino ang lahat lalo na ang gobyerno na mas pagtuunan ng pansin ang mga problemang kinahaharap ngayon ng bansa sa halip na maghati-hati sa usaping may kinalaman sa destabilisasyon.
Reaksyon ito ni Tolentino kaugnay sa isyu ng “PDEA LEAKS” investigation na inuugnay sa planong pagpapabagsak sa gobyerno.
Sa PDEA LEAKS lumabas ang umano’y Pre-Operation report na naging target ng PDEA noon si Pang. Ferdinand Marcos Jr. na sangkot sa illegal drugs.
Naniniwala ang mga tagasuporta ng pangulo na bahagi ito ng naising siraan ang administrasyon dahil sinabi na ng PDEA na wala silang dokumento na kahalintulad ng kumakalat sa Social Media.
Ayon kay Tolentino, dapat unahing tugunan ang problema sa El Niño at huwag magpaapekto sa mga distractions.
Kasama sa inirekomenda ng senador ang pagdedeklara ng State of National Calamity upang makapagpatupad ng Price Freeze sa mga panunahing produkto.
Bukod dito, iginiit ni Tolentino ang pagsasagawa magsagawa ng Cloud Seeding upang maibsan ang sobrang init ng panahon.
Sa kaniyang paglilibot sa Camarines Sur, sinabi ni Tolentino na iniulat sa kaniya ng LGU ng Pili na apat nang Job Order Employees ang namatay dahil sa Heat Stroke.