Sa gitna ng pagkabahala sa matinding epekto ng global boiling, iginiit ni Senate President Pro Tempore Loren Legarda na kinakailangan na ng agarang aksyon sa local at international levels.
Iginiit ni Legarda na kailangang iprayoridad ng buong mundo ang sustainable practices, maglagay ng puhunan sa renewable energy sources, tiyakin ang sapat na suplay ng tubig, sustainable at circular livelihoods, at bumuo ng mga polisiya upang labanan ang negatibong epekto ng climate change.
Binigyang-diin pa ng senador ang pangangailangang suportahan ang mga inisyatiba na naglalayong patatagin ang mga vulnerable communities.
Ipinaalala ng senador na hindi lamang environmental issue kundi isang usapin ng social justice, economic stability, at global security.
Kailangan aniya ang pagkakaisa ng buong mundo upang masolusyunan ang matinding problema sa pagbibigay proteksyon sa ating mundo para sa mga susunod na henerasyon.
Para kay Legarda ang pagpalo ng 45 °C na heat index sa Metro Manila ay malinaw na palatandaan na nasa krisis na ang mundo kaya kailangan na ng agarang pagkilos ng bawat isa.