Nasa kustodiya ng National Bureau of Investigation (NBI) ang negosyanteng si Cedric Lee, matapos hatulang guilty ng Taguig court, kasama ang model na si Deniece Cornejo at dalawang iba pa, sa kasong serious illegal detention na isinampa ng aktor na si Vhong Navarro.
Ayon kay NBI Director, Atty. Medardo Dilemos, sinundo ng kanyang mga tauhan si Lee sa bahagi ng Madaluyong City matapos itong magpadala ng mensahe na susuko ito sa mga otoridad.
Kahapon ay ibinaba ng Taguig RTC branch 53 ang hatol na guilty beyond reasonable doubt sa grupo ni Lee sa kasong serious illegal detention for ransom sa ilalim ng Article 267 ng Revised Penal Code.
Sinentensyahan sina Lee, Cornejo, Ferdinand Guerrero, at Simeon Raz ng Reclusion Perpetua na may parusang 20-40 taong pagkabilanggo.
January 22, 2014 nang kasuhan ni Navarro ang grupo ni Lee ng illegal detention, makaraang akusahan siya ni Cornejo ng panggagahasa.