Walang katanggap-tanggap na dahilan sa kapalpakan ng Manila International Airport Authority (MIAA) sa pamamalakad ng mga pasilidad sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
May kaugnayan ito sa mga sirang escalator at maging airconditioning unit sa NAIA Terminal 3 na nagdudulot ng inconvenince sa mga pasahero.
Ipinaalala ni Sen. Grace Poe na mayroong P17 billion na corporate fund ang MIAA kasama na rito ang P4.37 billion para sa maintenance expenses kaya’t may sapat aniya silang pondo upang ipambili ng mga kinakailangang kagamitan tulad ng air conditioning towers.
Bagama’t aminado ang senador na mabagal ang proseso sa gobyerno para sa procurement, maaari naman aniyang gamitin ng MIAA ang emergency procurement process upang madaling mapalitan ang mga pumapalyang gamit.
Hinimok ng mambabatas ang management ng NAIA na huwag namang hintayin ang pagpasok ng San Miguel Corporation para sa pagsasaayos ng pasilidad ng paliparan.
Kasabay nito, tiniyak ni Poe na maging ang Iloilo International Airport ay may sapat na pondo para maging maayos ang kanilang mga pasilidad at kailangan lamang ang maayos na sistema ng pamamalakad.