Kinumpirma ni Senate President Juan Miguel Zubiri na hihilingin niya kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr na aprubahan ang agresibong panukala ng Department of Education na tapusin sa buwan ng Marso ang school year 2024 to 2025 upang masimulan na uli ang pagbubukas ng klase sa buwan ng Hunyo sa susunod na taon.
Sinabi ni Zubiri na napakahalaga ng magiging desisyon ng Pangulo sa isinumiteng panukala ng DepEd dahil maaari itong makapagligtas ng buhay at makapagpahusay sa learning situation ng mga mag aaral sa bansa.
Una nang binawi ni Zubiri ang kanyang panukala para sa synchronized school calendars kung saan ang class opening ay buwan ng Agosto.
Ito ay kasunod ng kanyang pagsuporta sa mga panawagang ibalik na ang dating school calendar na ang summer break ay nagsisimula ng Marso hanggang Mayo at Hunyo naman ang simula ng mga klase.
Iginiit ng lider ng Senado na napatunayan nang napakadelikado ng sobrang init ng panahon para sa mga kabataan at mga guro at mas marami ang suspensyon ng klase ngayon kung ikukumpara sa dating school calendar.
Aminado si Zubiri na hindi kaaya-aya para sa learning environment ng mga kabataan kung ang init na nararanasan sa loob ng mga paaralan ay pumapalo ng 35 hanggang 40 degrees Celsius.