Pinayuhan ng Department of Health (DOH) ang publiko na lagyan ng kaunting asin ang inuming tubig, upang maiwasan ang dehydration sa harap ng napaka-tinding init ng panahon.
Ayon kay Health Sec. Ted Herbosa, ang paglalagay ng asin sa tubig ay makapagpapataas ng electrolytes sa katawan, at makapagpapaiwas din ito sa cramps o pamumulikat dahil sa dehydration.
Bukod dito, hinimok din ang mga Pilipino na magdala ng atomizer na pang-spray ng tubig sa mukha at iba pang parte ng katawan, para sa skin hydration.
Hindi naman inire-rekomenda ng kalihim ang ilang beses na pagligo sa isang araw, dahil kailangan pa ring magtipid ng tubig.
Ibinabala rin ni Herbosa na ang mga bata, matatanda edad singkwenta pataas, mga nagta-trabaho sa kalsada, at mga sumasabak sa recreational sports ang may pinaka-mataas na banta sa “exposure illnesses”, lalo na kapag umabot sa 50 ang heat index.
Tinukoy din ang mga oras na alas diyes ng umaga hanggang alas kwatro ng hapon bilang critical hours para sa heat cramps at heat exhaustion, na maaaring mag-resulta sa pagkamatay kapag hindi kaagad naagapan.