dzme1530.ph

Amendments sa Rice Tariffication Law, pinamamadali ni Speaker Romualdez

Pinamamadali ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang pag-amyenda sa Rice Tariffication Law sa layuning makapagbenta uli ng murang bigas ang National Food Authority (NFA).

Sa isang ambush interview kay Romualdez, kinumpirma nito na makikipagkita siya ngayon kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para hilingin na i-certified as urgent ang pag-amyenda sa Rice Tariffication Law.

Kumpiyansa ito na aayon ang Pangulo sa hiling ng kamara na gawing ‘urgent’ ang amendments dahil ang hangad nito ay mapababa ang presyo ng bigas sa merkado.

Ayon naman kay House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo ng ACT-CIS, target ng kamara na sa buwan ng Hunyo muling makapagbenta ang NFA ng murang bigas.

Kapwa kumpiyansa sina Speaker Romualdez at Rep. Tulfo na kayang makamit ang ₱20 pesos per kilo na presyo ng bigas basta’t maisakatuparan ng tama ang pagbabago sa Rice Tariffication Law.

Aminado naman si Romualdez na hindi nila layunin na buwagin ang Rice Tariffication Law kundi amyendahan lamang ito para makatugon sa lumalalang food inflation.

About The Author