Kinalampag ni Sen. Ramon Revilla Jr. ang Department of Public Works and Highways at ang Metropolitan Manila Development Authority upang matiyak ang kaligtasan ng bansa sa panahon ng La Niña.
Iginiit ni Revilla na papalapit na ang panahon ng tag-ulan at dapat anyang paghandaan ang posibleng epekto ng La Nina kung saan mas maraming ulan ang mararanasan.
Sinabi ni Revilla na dapat ngayon pa lang, pinapanatiling nang malinis ang mga drainages at iba pang tributaries upang tiyaking wala nang bara ang mga ito.
Dapat din anyang matiyak na 100 porsyentong operational ang pumping station.
Sa huling pagtaya ng PAGASA, nasa 55% na ang tsansa ng La Nina na ma-develop simula sa Hunyo 2024.
Kaya, binigyang-diin ni Revilla na habang wala pang masyadong ulan ay dapat ilatag na ang lahat ng paghahanda upang matiyak na handa ang lahat kung sakaling dumating man ang sakuna.
Samantalahin anya ang dry season at hindi kung kailan may pag-ulan na ay saka pa magkukumahog ng pagkilos.