dzme1530.ph

Epekto ng matinding init sa pag-aaral ng mga estudyante, tatalakayin

Nais matukoy ng Senate Committee on Basic Education ang lawak ng epekto ng matinding init sa pag-aaral at sa pagpapatupad ng Alternative Delivery Modes.

Sinabi ni Sen. Sherwin Gatchalian, chairman ng kumite na magsasagawa sila ng pagdinig nitong Martes kaugnay sa epekto ng tumataas na heat index sa pag-aaral ng mga bata.

Binalikan ni Gatchalian ang mga insidente kung saan sinuspinde ang klase sa maraming mga lugar dahil sa matinding init.

Una nang binigyang diin ng Department of Education na sa panahon ng sakuna o kalamidad, kabilang ang matinding init, maaaring magsuspinde ang mga punong-guro ng face-to-face classes at magpatupad ng blended learning.

Bagama’t maaaring magpatupad ang mga paaralan ng blended learning, binigyang diin ni Gatchalian na may mga hamon pa rin sa paggamit ng alternative delivery mode.

Kabilang na rito ang kawalan ng maayos na internet sa ilang mga bahay.

Nahihirapan din aniya ang ilang mga magulang na suportahan ang kanilang mga anak sa pagpapatupad ng blended learning.

Bagama’t sinimulan na ng DepEd ang unti-unting pagbabalik sa dating school calendar na magsisimula sa Hunyo, hinimok ni Gatchalian ang ahensya na pag-aralan kung maaari pang magpatupad ng mas maikling transition period.

About The Author