dzme1530.ph

Mga doktor na nakikipagsabwatan sa mga Pharma companies, maraming nilalabag na batas

Naniniwala si Senate President Juan Miguel Zubiri na maraming batas ang nilabag ng mga doktor na sinasabing kasabwat ng mga pharmaceutical companies sa pagrereseta ng gamot sa mga pasyente.

Dahil dito nagpahayag ng suporta si Zubiri sa resolusyon ni Sen. JV Ejercito na nagsusulong ng pagsasagawa ng imbestigasyon sa isyu na kinasasangkutan ng mga pharma companies at mga doktor.

Ayon kay Zubiri, labag ito sa Generics Law at Cheaper Medicines Act para sa mga doktor sa mga private hospital habang dagdag pa na paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act para sa mga doktor sa government hospitals.

Aminado ang senate leader na nabahala din siya nang lumabas ang balita, dahil nawalan na ng pagkakataon ang mga pasyente na makapili ng mas murang gamot.

Wala aniyang magawa ang mga pasyente kundi sumunod kung anuman ang ireseta sa kanila ng mga doktor kahit napakamahal ng mga gamot na mga ito.

Una nito ay ibinulgar ni Dr. Tony Leachon na ilang mga doktor sa Metro Manila at sa mga probinsya ang kasabwat ng mga pharmaceutical companies.

Tumatanggap umano ang mga doktor ng mga pabuya gaya ng biyahe sa abroad, mamahaling kotse, condominium at iba pa kapalit ng pagreseta sa mga gamot ng kanilang mga kasabwat na kumpanya ng gamot.

About The Author