Tiniyak ng Presidential Communications Office (PCO) ang legal na aksyon laban sa mga promotor ng deepfake videos at audio ni Pang. Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay PCO Asec. Patricia Kayle Martin, bagamat hindi na umano nagulat ang pangulo sa mga video, nakaa-alarma at dapat pa ring itigil ang ganitong uri ng fake news dahil maaaring labis itong makasama sa foreign relations at national security.
Batay naman umano sa DICT, foreign actor o mga banyaga ang pinagsu-suspetsahang nasa likod ng deep fake videos.
Kaugnay dito, siniguro ng PCO official ang aktibong pag-iimbestiga hindi lamang para matukoy ang mga may pakana nito, kundi upang maisampa rin ang mga kaukulang kaso.
Nagpabatid na rin umano ng pagnanais na tumulong sa paglaban sa online threats ang malalaking internet at social media platforms tulad ng Google, Tiktok, Facebook, Instragram, at X.