Iginiit ni Sen. Win Gatchalian na hindi pa handa ang Pilipinas para mag-transition o gumamit ng nuclear energy.
Inamin ng Chairman ng Senate Committee on Ways and Means na hanggang ngayon wala pang regulator ang Pilipinas para sa nuclear energy gayundin ang magpapatakbo ng mga planta.
Subalit, tiniyak ni Gatchalian na nagsisimula na ang pamahalaan na maging handa sa paglipat dito kaya naman sinusuportahan nila ang pondo ng Department of Energy para sa nuclear program ng ahensya.
Bagama’t bukas si Gatchalian sa ideya ng nuclear energy kailangan pa rin aniya itong pag-aralan sapagkat may safety concerns kung ikukumpara sa solar energy.
May mga nakausap din aniya siya na mga eksperto sa Korea at sinabi na mas mainam na magtayo na lamang ng mga bagong planta dahil mas efficient at ligtas.
Kinatigan naman ito ni Gatchalian dahil kung bagong teknolohiya ang gagamitin ay mas mababa pa ang gastos upang tugunan ang sunud-sunod na power outages at maiwasan ang kakapusan ng kuryente.