Kinumpirma ni Sen. Sherwin Gatchalian na malalaking tao mula sa enforcement agencies ang nagsisilbing protektor ng ilang Philippine Offshore Gaming Operatora (POGO).
Sinabi ni Gatchalian na ito ang pangunahing dahilan kaya malakas ang loob ng mga operator ng mga POGO na nasasangkot naman sa crypto currency scam at love scam.
Sa impormasyon ng senador, binibigyan ng POGO operator ng malaking allowance o suhol kada buwan ang kanilang protektor bukod pa sa bigayan kapag may naharang na raid o sa sandaling may maaresto at mapakawalan.
Muling nanindigan si Gatchalian na puro kahihiyan at sakit ng ulo lamang ang idinudulot ng POGO sa bansa lalo pa’t ginagastusan din natin ang deportation sa mga naaarestong mga indibidwal na sangkot dito.
Kinumpirma ni Gatchalian na sa bawat batch ng pinadedeport, nasa P90 million ang gastos ng gobyerno bukod pa sa pagkain at iba pang logistics habang naghihintay ng deportation.