dzme1530.ph

PCO, aalamin kung “foreign intruders” ang nasa likod ng deepfake audio ng Pangulo

Aalamin ng Presidential Communications Office (PCO) kung “foreign intruders” o mga dayuhan ang nasa likod ng kumalat na deepfake audio ni Pang. Ferdinand Marcos Jr..

Ayon kay PCO Assistant Sec. Wheng Hidalgo, maaaring mga banyaga o hackers mula sa ibang bansa ang gumawa ng AI generated deepfake content.

Kaugnay dito, nakikipagtulungan na ang ahensya sa Dep’t of Information and Communications Technology at National Security Council para sa imbestigasyon.

Nakikipag-ugnayan na rin ito sa facebook, google, at iba pang social media platforms upang matukoy ang nasa likod ng deepfake audio.

Mababatid na sa nasabing AI generated audio, ginaya ang boses ng pangulo at maririnig ito na tila nagpapahiwatig ng giyera laban sa China.

Sinabi naman ng PCO official na labis itong nakaa-alarma dahil ginawa ito sa gitna ng ginaganap na balikatan exercises ng Pilipinas at America.

 

About The Author