dzme1530.ph

Pinakamalaking Balikatan exercise, umarangkada na ngayong Lunes

Nagsimula na ngayong Lunes ang Balikatan Joint Military Exercise sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos, na itinuturing na pinakamalaking iteration na nilalahukan ng 16,700 mga sundalo.

Ang 39th Balikatan na pinakamalaking aktibidad sa loob ng apat na dekada at magtatagal hanggang sa May 10, ay gaganapin sa Palawan at Batanes, malapit sa Taiwan at sa South China Sea, na kapwa inaangkin at binabantayan ng China.

Sinabi ni Philippine Army Spokesperson, Col. Louie Dema-ala na lahat ng kanilang available assets ay gagamitin upang maipakita ang interoperability nito sa lahat ng major service.

Idinagdag ni Dema-ala na malalaman din sa Balikatan kung alinsunod ang kanilang kagamitan sa kasalukuyang standard operating procedures, pati na ang tactics, techniques, and procedures pagdating sa combat operations.

Makakasama rin sa Balikatan ang personnel mula sa Australian Defense Force at French Navy, gayundin ang iba pang government agencies, gaya ng Philippine Coast Guard, PNP, Department of Information and Communications Technology, Office of Civil Defense, at Presidential Communications Office.

Magsisilbi namang observers ang 14 na bansa, na kinabibilangan ng Brunei, Canada, France, Germany, Great Britain, India, Indonesia, Japan, Malaysia, New Zealand, Singapore, South Korea, Thailand, at Vietnam.

About The Author