dzme1530.ph

Pagpapalakas ng partisipasyon ng LGUs sa pagsasaayos ng kalidad ng edukasyon, iginiit!

Muling nanawagan si Sen. Win Gatchalian sa mga lokal na pamahalaan na paigtingin ang pakikilahok sa pag-angat sa kalidad ng edukasyon at upang maipatupad ang panukalang decentralization sa education governance.

Inihain ni Gatchalian ang Senate Bill 155 o ang proposed 21st Century School Boards Act na nagmamandato sa local school boards ng pagdisenyo at pagpapatupad ng mga polisiya sa paghahatid at pag-angat ng kalidad ng edukasyon sa bansa.

Nakasaad sa panukala na susukatin ang tagumpay ng mga programang ito sa participation rate ng mga mag-aaral, sa bilang ng mga dropout at out-of-school youth, at marka sa mga national test at iba pang assessment tools.

Layun din ng naturang panukala na palawakin ang local school board upang makalahok ang iba pang mga education stakeholders.

Ibinahagi ni Gatchalian ang halimbawa ng Vietnam pagdating sa pamamalakad ng sektor ng edukasyon.

Bagama’t ang kanilang Ministry of Education and Training (MOET) ang nagpapasya ng mga polisiya para sa buong bansa, ang People’s Committee sa mga probinsya ang may pananagutan para sa mga resulta.

Ang mga naturang komite rin ang nagbabantay sa kalidad at nagpapatupad ng mga programa sa edukasyon.

 

About The Author