dzme1530.ph

Repatriation sa labi ng 3 OFWs na nasawi sa Dubai, pinamamadali

Nagpaabot ng pakikidalamhati si Sen. Lito Lapid sa pamilya ng tatlong Overseas Filipino Workers na namatay bunsod ng pagbaha sa Dubai.

Kasabay nito, nanawagan ang senador sa gobyerno at sa mga Pilipino na nasa labas ng bansa na palagiang paghandaan ang panganib dulot ng Climate change.

Binigyang-diin ni Lapid na ang pagbaha sa Dubai ay isang malagim na paalala ng patuloy na lumalaking hamon ng pagbabago ng klima sa ating daigdig.

Sa panahon anya ngayon na maraming digmaan, lindol, at iba’t iba pang mga kalamidad, dapat manatiling handa ang ating mga kababayan at pamahalaan na tumugon sa mga hamon.

Nanawagan din ang mambabatas sa Department of Migrant Workers na agad na asikasuhin ang mga labi ng mga Pinoy para maiuwi sa Pilipinas at maibigay agad ang mga benepisyong nararapat na matanggap ng kanilang mga kaanak.

Ipinaalala ni Lapid na sila ang mga tunay na bagong bayani na nagbubuwis ng buhay para sa kanilang pamilya at ekonomiya ng bansa.

About The Author