Palalakasin ng Pilipinas at New Zealand ang pagtutulungan para sa pagtataguyod ng kapakanan ng Filipino nurses at iba pang migrant workers.
Sa joint statement matapos ang bilateral meeting sa Palasyo, pinuri nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at New Zealand Prime Minister Christopher Luxon ang lumalaking Filipino community sa New Zealand.
Kinilala rin ni Luxon ang kontribusyon ng mga Pinoy sa kanilang ekonomiya at workforce.
Kaugnay dito, nagkasundo ang dalawang lider na paigtingin ang people-to-people cooperation para sa kapakanan ng migrant workers, kaakibat ng pag-repaso sa bilateral migrant worker arrangement para sa maayos na pangangasiwa ng recruitment ng mga manggagawang Pilipino sa New Zealand.
Tinalakay din ang pagtugon sa social security issues ng Pinoy workers.
Sa kasalukuyan ay tinatayang nasa halos 80,000 ang bilang ng mga Pinoy na namamalagi sa New Zealand.
Samantala, welcome rin sa dalawang lider ang kooperasyon sa edukasyon para sa mobility ng mga mag-aaral, professionals, at skilled workers.