dzme1530.ph

Pagdagsa ng Chinese nationals sa bansa, nakakaalarma –Barbers

Naalarma si Surigao Del Norte Congressman Robert Ace Barbers at naghihinala sa hindi maipaliwanag na pagdagsa ng Chinese tourists, workers, negosyante at pati mga estudyante sa bansa.

Sa ilang nagdaang pagdinig sa Kamara sinita ni Barbers ang Philippine National Police (PNP), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), National Bureau of Investigation (NBI), Bureau of Immigration, Department of Foreign Affairs (DFA), Philippine Statistics Authority (PSA) at Philippine Coast Guard (PCG) sa tila ‘creeping invasion’ ng China sa Pilipinas.

Lalo na nang madiskubre na may mga Chinese nationals ang nakakakuha ng Philippine Birth Certificate, Driver’s License, Unified Multi-Purpose ID (UMID) card, Passport maging accreditation at membership sa PCG.

Ayon kay Barbers, nakababahala ito dahil nilamon na ng kurapsyon ang maraming Pinoy kung pinapayagan na ang Chinese nationals na makabili ng lupa at ari-arian, makapag-enroll sa mga unibersidad sa ilalim ng exchange student program, magtrabaho ng walang permit at maka-avail ng Bank Loans.

Kuwestiyonable rin umano ang pagdagsa ng Chinese students sa lalawigan ng Cagayan kung saan malapit ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites sa halip na sa Metro manila sila mag-enroll.

About The Author