Wala nang plano ang Pilipinas na dagdagan pa ang siyam na kasalukuyang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites sa bansa.
Sa Presidential forum ng Foreign Correspondents Association of the Philippines (FOCAP), inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na wala nang plano ang bansa na magtatag ng bagong EDCA sites o dagdagan ang military bases na may access ang America.
Kasabay nito’y iginiit ng Pangulo na ang paglalagay ng EDCA sites ay hindi dapat ituring na sanhi ng mga agresibong aksyon ng China sa South China Sea, dahil nangyayari na ang mga ito bago pa man magkaroon ng EDCA.
Kabilang dito ang pag-water cannon, lasers, collisions, pagharang sa mga bangka at mga mangingisdang Pinoy, at paglalagay ng barriers sa Scarborough Shoal.
Bagkus ay sinabi ng Pangulo na ang pagtatatag ng EDCA sites ay reaksyon mula sa mga nasabing agresibong aksyon.