Dapat mag-one-on-one talk na lamang sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at dating Pangulong Rodrigo Duterte para talakayin ang sinasabing “gentleman’s agreement” na pinasok ng dating lider ng bansa sa China kaugnay sa West Philipine Sea.
Ito ang binigyang-diin ni Sen. Robin Padilla bilang pagtutol sa ikinakasang Senate Investigation sa sinasabing kasunduan ni Duterte sa China.
Binigyang-diin ni Padilla na ang ganitong usapin ay dapat na sikreto na lamang pinag—uusapan at hindi na isinasapubliko pa.
Ipinaliwanag ni Padilla na may kinalaman sa national security ang usapin kaya’t hindi ito dapat idinadaan sa public hearing.
Binigyang-diin ng senador na kung idaraan pa sa public hearing ang pagtalakay sa usapin ay posible pang malaman ng China ang mga hakbang ng gobyerno.
Kasabay nito, bagama’t nilinaw ni Padilla na wala siyang ideya sa anumang pinag-usapan nina Duterte at Chinese President Xi Jin Ping, iginiit nito na sa ilalim naman ng UNCLOS o United Nation’s Convention on the Law of the Sea, hindi pinapayagan ang pagtatayo ng anumang concrete infrastructure sa disputed area.
Naniniwala ang senador na kung meron mang napag-usapan ay posibleng ang mga probisyon sa UNCLOS ang naging batayan.