dzme1530.ph

Impact ng mining at quarrying activities sa bansa, pinabubusisi sa Senado

Pinaiimbestigahan ni Sen. Risa Hontiveros ang environmental at social impact ng mining at quarrying activities sa bansa sa gitna ng mga naganap na insidenteng iniuugnay dito.

Sa kanyang Proposed Senate Resolution no. 989, nais ni Hontiveros na magsagawa ng investigation in aid of legislation ang kaukulang kumite sa serye ng mga trahedya na may kinalaman sa mining at quarrying.

Layun nito na mai-evaluate ang regulatory framework ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), partikular ang Mines and Geosciences Bureau (MGB) at ang Environmental Management Bureau (EMB) na may responsibilidad at dapat nagbabantay sa mining at quarrying operations.

Kabilang sa mga trahedya ang landslide sa Maco, Davao de Oro na isinisisi sa mining operations na nakaapekto sa Mansaka Indigenous Cultural Community.

Tinukoy din ang epekto ng mining activities sa Homonhon Island’s ecology and cultural heritage gayundin ang quarrying sa Cajidiocan, Romblon na nakaapekto sa kalidad ng tubig sa lugar.

Binanggit din sa resolution ang paggamit ng materyales na galing sa minahan at dredging operations sa kontrobersyal na reclamation efforts sa ilang mga lugar sa bansa partikular sa Manila Bay at sa West Philippine Sea.

Idinagdag pa ni Hontiveros na dapat maisama rin sa imbestigasyon ang mga nahuling tripulante ng barko ng China na nagsasagawa ng dredging activities sa Zambales gayundin ang presensya ng Chinese dredging vessels sa Maguindanao del Norte.

Iginiit ng mambabatas na dapat bigyang prayoridad ang pangangalaga sa kalikasan, sa ating bayan at sa kinabukasan.

About The Author