Inilunsad ng Dep’t of Energy ang Energy Sector Emergency Operations Center na magtitiyak ng suplay ng kuryente lalo na sa panahon ng sakuna.
Sa talumpati ni Pang. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na binasa ni Executive Sec. Lucas Bersamin sa seremonya sa BGC Taguig, binigyang-diin ang kahalagahan ng kuryente dahil kung wala ito lalo sa panahon ng kalamidad, hindi makakapag-serbisyo ang mga ospital, mabubulok ang mga pagkain, at mapuputol ang linya ng komunikasyon.
Kaugnay dito, sa pamamagitan umano ng Energy Sector Emergency Operations Center ay magkakaroon na ng real-time monitoring sa energy infrastructure tulad sa grid performance at distribution network.
Magsisilbi rin itong centralized hub para sa kolaborasyon at information sharing sa buong energy supply chain para sa koordinasyon ng local, regional, at national authorities sa panahon ng krisis.
Samantala, isinagawa rin ang symbolic turnover ng miniature mobile energy system na maaaring mapagkunan ng renewable energy, at magagamit sa microgrids, mga negosyo, health facilities, at sa mga bahay.
Kaugnay dito, ilulunsad ang pilot run ng MES sa typhoon prone municipalites ng Sta. Ana at Lal-lo sa Cagayan, habang ipamamahagi rin ang MES units sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno.