Tiniyak ng Department of Migrant Workers (DMW) na “safe and sound” ang apat na Pilipinong lulan ng MSC Aries na kinumpiska ng Iranian authorities noong Sabado.
Sinabi ni DMW Officer-in-Charge Hans Leo Cacdac na naka-angkla ang barko sa labas ng Port of Iran at hindi bumababa ang mga tripulante.
Sa kabila naman nito ay humihingi pa rin aniya ang Pamahalaan ng Pilipinas ng pagkakataon sa Iranian authorities na makausap ng Filipino seafarers ang kanilang mga kaanak.
Inihayag ni Cacdac na nakikipag-ugnayan sila sa pamilya ng apat na Pinoy at tiniyak sa mga ito ang buong suporta at tulong ng gobyerno.
Idinagdag ng DMW official na bagaman kinumpiska ang barko, ay wala namang naiulat na pangha-harass sa mga Pilipino.