dzme1530.ph

Mga barko ng Pilipinas na patungong Bajo de Masinloc, namataang binuntutan ng CCG

Mahigpit na binantayan at binuntutan ng China Coast Guard (CCG) ang Philippine Research Vessel na BRP H Ventura, pati na ang BRP Gabriela Silang ng Philippine Coast Guard, habang naglalayag patungong Bajo de Masinloc, kahapon ng umaga.

Ibinahagi ng American Maritime Security expert na si Ray Powell ang naturang pangyayari sa kaniyang social media platform na X (dating Twitter).

Sinabi ni Powell na natigil ang paglalayag ng Philippine vessels ng tinatayang walong oras, 35 nautical miles mula sa coastline ng Luzon, malapit sa kontrobersyal na nine-dash line ng China.

Aniya, hinarangan ng CCG ang pagdaan ng BRP H Ventura at escort nito na BRP Gabriela Silang, patungo sa kanilang assigned hydrographic area sa hilaga ng Scarborough Shoal.

Hindi pa malinaw ang dahilan ng matagal na pagtigil ng mga barko ng Pilipinas, subalit naipagpatuloy naman nila ang paglalayag patungo sa Bajo de Masinloc, habang binubuntutan ng Chinese Coast Guard vessels.

About The Author