Kinumpima ni MMDA Acting Chairman Don Artes, na pagmumultahin ng P2,500 simula sa Lunes, April 15, ang mga nagmamaneho ng tricycles, pushcarts o kariton, pedicabs, kuligligs, e-bikes, e-trikes at mga light electric vehicles na mahuhuling dumadaan sa mga piling pangunahing lansangan sa Metro Manila.
Ito’y base na rin sa MMDA Regulation no.24-002 series of 2024 na huhulihin kung hindi rehistrado at/o wala maipakitang lisensya ang nagmamaneho nito, kukumpiskahin at i-impound naman ang mga unit.
Base na rin ito sa napagkasunduan ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno upang matugunan ang problema sa trapiko sa Metro Manila.
Ayon kay Artes ang pagtugon sa trapiko, hindi kaya ng isang ahensiya lamang; bagkus ay nangangailangan ng koordinasyon at pagtutulungan mula sa lahat ng ahensiya ng gobyerno at lokal na pamahalaan.
Kamakailan ay inaprubahan ng Metro Manila Council ang regulasyon dahil sa patuloy na pagdami ng mga light electric vehicles sa mga lansangan at pagtaas ng road crash incident na kanilang kinasasangkutan.