Naghayag ng interes si House Majority Leader Jefferson Khonghun ng Zambales, para imbestigahan ang kontrobersiyal na ‘gentleman’s agreement’ nina dating Pang. Rodrigo Duterte at Chinese Pres. Xi Jin Ping ukol sa West Philippine Sea.
Kinondina ni Khonghun ang sinasabing kasunduan na aniya nakababahala dahil kung totoo nakompromiso nito ang teritoryo at soberanya ng bansa.
Para sa mambabatas kalapastanganan na idaan sa sekretong kasunduan ang integridad at soberanya ng bansa lalo na at karapatan sa WPH bilang teritoryo ang nakataya.
Isang paraan din umano ang imbestigasyon para maipakita ng Pilipinas sa buong mundo na atin ang bahagi ng WPS at hindi natin pinapayagan ang sino man na ilagay ito sa alanganin.
Una nito sinabi ni former Presidential Spokesman Atty. Harry Roque na nagkaroon ng kasunduan o ‘gentleman’s agreement’ sina Duterte at Xi na tanging pangunahing pangangailangan ng mga sundalo gaya ng pagkain at tubig ang isu-supply sa isinadsad na BRP Sierra Madre sa Ayungin Shaol.