Welcome development para kay Sen. JV Ejercito ang direktiba ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. na nagbabawal sa mga opisyal at kawani ng pamahalaan na gumamit ng wang wang, sirena, blinker at iba pang signaling devices.
Sinabi ni Ejercito na magandang maging halimbawa sa publiko ang pagsunod ng mga opisyal sa direktibang ito lalo na ang mga feeling entitled na nakasanayan na ang paggamit ng mga signaling devices o maging ng highway patrol group escorts.
Kahalintulad din anya ito sa ginawa ni dating Pang. Benigno Aquino III bilang bahagi ng pagdisiplina sa mga motorista.
Iginiit pa ni Ejercito na siya mismo ay hindi gumagamit ng wangwang, blinker o maging hpg o police escorts dahil para sa kanya ito ay nakakahiya at katunayan may pagkakataon na pumapasok siya sa senado na nakabisikleta lamang.
Sa panig ni Senador Ronald Dela Rosa, iginiit nito na dapat lamang sundin ang kautusan ng Pangulo bilang bahagi ng mga solusyon laban sa traffic congestion.
Hindi anya sapat na dahilan na nagmamadali ang isang opisyal para gumamit ng wangwang dahil maaari namang umalis ng maaga upang hindi mahuli sa kanilang appointment.