Patay ang isang Korean national matapos mahulog sa ika-limang palapag ng isang hotel sa Malate, Maynila.
Kinilala ang foreigner na si Won-Bin Lee, 26 anyos na namamalagi sa room 501.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nangyari ang insidente dakong alas-7 ng umaga kahapon, kung saan nagbigay rin ng salaysay ang saksing assistant manager na si Flora Marcadejas, na siyang nakarinig ng malakas na lagapak.
Nakita na lamang nitong naka-handusay na ang biktima sa parking entrance ng hotel, kung saan nagtamo ito ng mga sugat at bali sa buong katawan at ulo.
Dahil dito ay agad umanong ipinag-bigay alam sa security guard ng hotel ang nangyari.
Nabatid na huling nakitang buhay ang koreano pasado alas-7 ng gabi, April 8, habang nagbabayad sa lobby.
Samantala, patuloy pa rin ang ginagawang imbestigasyon ng mga otoridad sa naturang insidente.