Habang patuloy na nararanasan ng bansa ang epekto ng El Niño, iginiit ni Senador Imee Marcos na kailangang paghandaan na rin ng gobyernno at ng publiko ang pananalasa ng La Niña ngayong taon na magdadala naman ng maraming pag-ulan sa bansa.
Sinabi ni Marcos na sa pagtatapos ng El Niño ay papalit na ang La Niña kaya dapat ngayon pa lamang ay inilalatag na ang mga contingency plan para rito.
Pinayuhan ng senadora ang gobyerno at mga ahensya na makinig sa mga ilalabas ng mga scientists at pag-aralan ang mga datos upang maagapan o maibsan ang magiging epekto nito sa bansa.
Iginiit din ni Marcos na dapat nang kumpunihin agad ang mga irigasyon at mga small farm reservoir para may mapag-imbakan ng tubig sakaling dumating na ang sobra-sobrang ulan.
Nagpahayag pa ng pagkadismaya ang senadora sa kakulangan sa paghahanda sa El Niño kahit na noong nakaraang taon pa inilabas ang mga babala.
Iginiit ni Marcos na sadyang pasaway at matigas ang ulo ng marami sa mga Pilipino kaya’t sa bandang huli ay tayo rin ang nahihirapan.