Naalarma ang mga residente sa Pag-asa Island nang maglayag malapit sa silangang baybayin ng isla, sa West Philippine Sea ang mga barko ng China.
Namataan ng mga taga-Pag-asa ang Chinese Coast Guard vessel malapit sa dalampasigan noong Lunes habang isang Chinese militia boat ang naispatan din sa lugar noong Martes.
Nangyari ang mga ito ilang araw bago ang trilateral meeting sa Washington D.C. sa pagitan ng Pilipinas, Amerika, at Japan.
Ayon sa isang mangingisda, ginagawa nang daanan ng Chinese vessels ang silangang bahagi ng Pag-asa Island, na bagaman hindi nagtagal ang mga barko ay ikinagulat ng mga residente.
Kinumpirma ng Philippine Coast Guard na naglayag nga ang Chinese ships, 3.2 nautical miles mula sa Pag-asa Island, subalit wala nang ibinigay na iba pang detalye.