dzme1530.ph

Pribadong sektor, hinimok makiisa sa pagbalangkas ng IRR para sa Tatak Pinoy Act

Iginiit ni Senador Sonny Angara na dapat makibahagi ang pribadong sektor sa pagbuo ng Implementing Rules and Regulations (IRR) para sa pagpapatupad ng Republic Act 11981 o ang Tatak Pinoy (Proudly Filipino) Act.

Bilang pangunahing stakeholders ng Tatak Pinoy Act, sinabi ni Angara na ang pribadong sektor partikular ang mga lokal na kumpanya ay may mahalagang papel sa pagtiyak ng maayos na implementasyon ng batas at makamit ang layuning gawing competitive ang mga industriyang Pinoy.

Sinabi ni Angara na sinimulan na ng Tatak Pinoy Council ang pagbuo ng IRR para sa Tatak Pinoy Act at handa na ring ipatupad ang Tatak Pinoy Strategy (TPS) na magpapalakas sa kakayahan ng batas na ito na matupad ang lahat ng kanyang nilalayon.

Pinasalamatan din ni Angara na siyang pangunahing awtor at sponsor ng Tatak Pinoy Act, si Trade Secretary Alfredo Pascual matapos nitong pamunuan ang kauna-unang pagpupulong ng TPC.

Layun ng Tatak Pinoy na palakasin ang mga industriya sa Pilipinas upang makalikha ng mas mainam at sopistikadong mga produkto at serbisyo.

Sa ganitong paraan, hindi lamang magiging globally competitive ang mga produkto at serbisyong Pinoy, kundi magiging paraan din ito upang mapaunlad ang mga lokal na negosyo at mapataas ang kita ng kani-kanilang mga manggagawa.

About The Author