Puspusan ngayong mino-monitor ng House leadership kasama ang Committee on Agriculture and Food at ilang government agencies ang produksyon at bentahan ng sibuyas sa bansa.
Ayon kay Deputy Majority Leader Erwin Tulfo, binabarat na naman ng mga trader ang presyo ng sibuyas sa mga nagtatanim nito sa paraan ng pagpakyaw o maramihang pagbili.
Pinahupa lang aniya ng traders ang sitwasyon matapos silang maglunsad ng sunod sunod na raid sa mga bodega noong mga nagdaang buwan, at ngayong hupa na ang isyu namamakyaw na naman sila at itinatago sa mga bodega ang sibuyas.
Punto ni Tulfo, bukod sa kawawa ang mga nagtatanim, biktima rin ng mga swapang na traders ang buying public na napipilitang kagatin ang mataas na presyo.
Inamin din nito na tinitingnan nila ngayon kung magrerekomenda ba sila ng importasyon ng sibuyas para mahatak pababa ang presyo sa merkado.