dzme1530.ph

Pagpapasa ng Mandatory ROTC Bill, may pag-asa pa

Itinanggi ni Senate President Juan Miguel Zubiri na wala nang pag-asang makapasa sa Senado ang panukalang pagbabalik ng mandatory ROTC sa tertiary level.

Sinabi ni Zubiri na sa kanyang obserbasyon, mas marami nang senador ang pabor sa panukala habang ang ibang tutol ay pinakiusapang bigyang tsansang matalakay ito at mapagbotohan.

Sinabi ni Zubiri na kinausap na niya si Senate Majority leader Joel Villanueva na iiskedyul ang pagtalakay ng panukalang mandatory ROTC sa pagbabalik ng sesyon.

Tiniyak ni Zubiri na bibigyang prayoridad ang panukala bago mag-adjourn sine die break sa huling linggo ng buwan ng Mayo.

Una rito, sinabi ni Senador Robin Padilla na nawawalan siya ng pag-asa na makakapasa pa sa Senado ang mandatory ROTC bill kaya nagre-recruit na lang siya ng mga gustong maging miyembro ng reserve command.

Samantala, kinumpirma pa ni Zubiri na sa Pulse Asia survey noong December na siya ang nag-commission, lumitaw na 77% ng mga respondent ay pabor na ibalik ang mandatory ROTC sa bansa.

Ipinaalala rin ni Zubiri na mayroon nang mabigat na Anti-Hazing Law kaya’t wala na ring dapat ipangamba sa posibilidad ng hazing kapag naibalik na ang ROTC.

About The Author