dzme1530.ph

Pondo para sa teaching supplies allowance ng mga guro, tiniyak

Tiniyak ni Senate Committee on Finance Chairman Sonny Angara na tuloy-tuloy na popondohan sa ilalim ng national budget ang teaching supplies allowance ng mga guro sa pampublikong paaralan.

Kabilang din sa popondohan ang mga kinakailangang materyal sa paaralan, pambayad ng incidental expenses at ang implementasyon ng iba’t ibang learning delivery modalities na ipinatutupad ng Department of Education.

Ang teaching supplies allowance ay dating nagkakahalaga lamang ng P700 nang ipatupad ito noong 2011.

Mula noon ay tuluy-tuloy na ang pagtaas ng halaga nito na naging P1,000 na noong 2012; P1,500 noong 2016; P2,000 noong 2017; P3,500 noong 2018 at P5,000 mula 2021 hanggang sa kasalukuyan.

Sinabi ni Angara na mahalagang matugunan ang pangangailangan ng mga guro sa pagturo ng mga kabataan.

Hindi anya dapat nag-a-abono pa ang mga guro para bumili ng supplies dahil sa kulang ang allowance na galing sa pamahalaan.

Isa si Angara sa mga may-akda ng Senate Bill No. 1964 o ang Kabalikat sa Pagtuturo Act na naging dahilan upang maging permanente ang pagkakaloob ng teaching supplies allowance sa public school teachers.

Sa sandaling maisabatas, iaatas ng Kabalikat sa Pagtuturo Act ang pagtataas sa teaching supplies allowance nang hanggang P10,000 kada taon.

About The Author