Dapat ipagpatuloy pa rin ng Senado ang pagtalakay nito sa economic Cha-cha bill sa kabila ng resulta ng Pulse Asia survey na mayorya ng mga Pinoy ang tutol sa pagsusulong ng pagbabago sa konstitusyon.
Ito ang binigyang-diin ni Senate Minority Leader Aquilino Koko Pimentel III kasabay ng kumpirmasyon na pinatunayan ng survey ang kanyang paniniwala na hindi napapanahon ang charter change.
Aminado rin si Pimentel na malaki ang naging epekto ng isinulong na People’s Initiative sa naging persepsyon ng taumbayan laban sa cha-cha.
Sa kabila nito, sinabi ni Pimentel na mas makabubuting matuloy pa rin ang cha-cha hearings lalo na ang pag-iikot sa iba’t ibang lalawigan upang matukoy ang tunay na saloobin ng publiko.
Ipinaliwanag ni Pimentel na na living document at intergenerational ang konstitusyon at darating ang panahon na kailangan itong amyendahan.
Sa pagdating anya ng pangangailangan na baguhin ang saligang batas ay maaaring balikan ang record at mga dokumento ng mga hearings ng Senado.