dzme1530.ph

Mga estudyante, huwag piliting pumasok kapag matindi ang init ng panahon

Hindi dapat piliting pumasok sa paaralan ang mga bata kapag matindi ang init ng panahon.

Ito ang naging panawagan ni Senate Committee on Basic Education Chairman Sherwin Gatchalian sa mga punong-guro dahil may ilang mga lugar sa bansa na pumapalo ang heat index sa 44°C hanggang 45°C.

Ipinaliwanag ni Gatchalian na kung ikukumpara sa lagnat na nasa 37°C, lagpas pa sa high fever ang nararamdaman ng mga estudyante kapag ang temperatura ay kasingtaas ng 44°C hanggang 45°C.

Kaya para sa senador, kapag ganitong sitwasyon ay huwag nang pilitin ng mga paaralan na papasukin ang kanilang mga estudyante dahil posibleng madehydrate o magcollapse ang mga bata sa sobrang init.

Bukod dito, aminado rin ang mambabatas na 99% ng mga pampublikong paaralan ay walang aircon at kung may electric fan man hindi naman nito kakayanin ang mainit na singaw sa mga silid-aralan.

Ilang estudyante rin aniya ang naglalakad lamang papasok sa eskwelahan kaya mas ramdam nila ang init.

Nauna nang inirekomenda ng mambabatas na magsagawa na lamang ng blended learning sa mga paaralan pero ito ay depende sa lugar at sa init ng panahon.

About The Author