Hihimukin ni Senate Committee on Basic Education Chairman Sherwin Gatchalian ang Department of Education (DEPED) na pag-aralan kung maaaring paikliin ang transition period para sa pagbabalik sa old school calendar sa gitna na rin ng mainit na panahon.
Sa target ng DEPED, sa school year 2026-2027 pa maipatutupad ang pagbabalik sa lumang school calendar.
Inamin ni Gatchalian na mmahirap nang mapredict ngayon ang panahon at ang nagiging trend ay painit na ng painit ang panahon kaya mahalagang maibalik na ang summer vacation sa April at May kung saan peak ang mainit na temperatura.
Aminado naman ang senador na hindi maaaring maging instant ang pagbabalik sa dating school calendar dahil magkakaroon ng isang taon na mawawalan ng break ang mga estudyante at maging ang mga guro.
Sa kabilang dako, kumpiyansa si Gatchalian na hindi malaki ang nawawala sa mga estudyante sa tuwing magkakansela ng klase bunsod ng mainit na panahon.
Ipinaliwanag ni Gatchalian na sa ilalim ng kautusan ng DEPED, maaaring magsagawa ng remedial classes ang mga paaralan na magpapatupad ng suspensyon,
Bukod pa ito sa ipinatutupad na flexibility sa pag-aaral gamit ang self-learning modules gayundin ang pagsasagawa ng online classes o kung hindi naman ay ang asynchronous classes.