Inaasahang maglalaro sa 2-4% ang inflation rate sa bansa ngayong 2024.
Sa press briefing sa Malacañang, inihayag ni NEDA Sec. Arsenio Balisacan na ipinanatili ang 2-4% inflation projection ngayong taon hanggang sa 2028, matapos ang assessment sa internal at external developments na nakaa-apekto sa presyo ng major commodities.
Sinabi naman ni Balisacan na nananatiling banta sa food security at stability ng presyo ng pagkain ang climate change at extreme natural disasters tulad ng El Niño.
tinukoy din ang posibleng adjustments sa pamasahe, sweldo, at service utility fees na maaaring makapagpahina sa household consumption.
Isina-alang alang din sa inflation outlook ang monetary policy actions ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), at non-monetary strategies at measures ng gobyerno.
Batay sa projection ng BSP, nakikitang maglalaro sa 3.4-4.2% ang inflation rate sa bansa para sa buwan ng Marso.