Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa publiko, kaugnay sa banta ng matinding init ng panahon, kung saan napapanahon ang epekto ng heat stroke.
Una nang naiulat ng PAGASA ang malaking posibilidad na umabot ang temperatura sa Pilipinas sa 45°C, magmula pa noong Marso 28.
Batay sa classification ng PAGASA, ang temperaturang nasa 33-41°C ay maituturing na “extreme caution” o kinakailangan ng ibayong pag-iingat, habang ang 42-51°C ay maituturing na mapanganib.
Kaya naman, payo ng DOH, ugaliin ang pag-inom ng marami o sapat na tubig, iwasang lumabas ng bahay sa pagitan ng oras na alas-10 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon.
Kung hindi naman maiiwasan, gumamit ng panangga sa matinding sikat ng araw tulad ng payong, sumbrero at maglagay ng sunblock, mainam din na presko ang susuoting damit.