dzme1530.ph

Ginisa ng mga Senador ang DENR sa imbestigasyon sa naitayong resort sa Chocolate Hills sa Bohol

Para kay Sen. Raffy Tulfo, maituturing ang DENR na bantay salakay at turo-turo style dahil bigo ang ahensya na protektahan ang mga protected areas sa bansa at sa sandaling magkaroon ng kapalpakan ay magtuturo ng ibang ahensya.

Kinuwestyon din ni Tulfo ang Freedom Information Manual ng DENR na nagbabawal na magbigay ng impormasyon sa mga nag apply ng Environment Compliance Certificate (ECC) at mining permit.

Iginiit naman ni Senate Committee on Environment, Natural Resources and Climate Change Chairperson Cynthia Villar na alisin ang kapangyarihan ng mga kapitan ng barangay sa pagbibigay ng permiso para sa pagtatayo ng mga istruktura sa protected areas.

Ito ay makaraang aminin ni DENR Secretary Maria Antonia Yulo Loyzaga na mga barangay chairman ang nagbigay ng permiso para maitayo ang kontrobersyal na resort sa gitna ng Chocolate Hills.

Duda naman si Villar sa paghuhugas kamay ng DENR sa itinayong resort dahil dumadaan din sa kanila ang lahat ng dokumento bago maitayo ang isang structure sa protected area.

Kinastigo rin ni Senador Loren Legarda si DENR Central Visayas Director Gilbert Gonzales III na una anyang nagsabi na absent siya nang isagawa ang pulong ng Protected Area Management Board para sa permiso ng Captain’s Peak.

Sinabi ni Legarda na hindi sapat na excuse ang pagiging absent lalo na kung siya ang lumagda sa inilabas na resolution para sa pagtatayo ng resort.

Sa panig naman ni Senador Nancy Binay, inamin nito na bagama’t naniniwala siya sa pahayag ng DENR na maraming good people sa ahensya ay hindi niya ito nararamdaman sa gitna ng mga nakitang kapalpakan.

About The Author