Humingi ng pang-unawa ang Philippine National Railway (PNR) sa publiko matapos suspendihin ang biyahe ng kanilang mga tren sa Metro Manila sa loob ng 5 taon.
Sa ginanap na Kapihan sa Manila Hotel ngayong araw, ipinaliwanag dito ni PNR Chairman Michael Ted Macapagal na malaking ginhawa naman ang magiging dulot ng kapalit ng pagsasara nito kaya’t maging pasensiyoso muna ang mga pasahero.
Saad pa ni PNR Chairman Macapagal, sa oras na matapos ang North South Commuter Railway (NSCR), magiging mas mabilis na ang biyahe at maiiwasan na ang maipit sa daloy ng trapiko lalo na’t nasa 800,000 na pasahero kada araw ang kayang maisasakay dito.
Sa loob ng limang taon, makakasiguro rin ang publiko na mas magiging ligtas at walang problema ang biyahe ng mga tren kung saan wala naman daw magiging pagbabago sa pamasahe o fare.
Magiging mabilis din ang biyahe ng mga tren sa oras na matapos ang proyekto kung saan ang ruta nito ay mula Clark Freeport Zone sa Angeles City papunta ng Metro Manila hanggang Calamba City, Laguna.
Ang mga residente naman nakatira sa riles ng PNR na maapektuhan ng proyekto ay huwag din mag-alala dahil tutulungan naman itong mailipat sa pabahay ng gobyerno habang sinisikap na rin ng mga tanggapan mg pamahalaan na maresolba ang isyu sa right of way.