dzme1530.ph

UE, magbubukas ng kursong Criminology na nakatutok sa Cybersecurity sa Agosto

Nakatakdang magbukas ang University of the East (UE) ng kursong Criminology na bihasa sa cybersecurity sa darating na akademikong taong 2024-2025.

Ang apat na taong kursong Bachelor of Science in Criminology specializing in Cybersecurity ay ilulunsad sa UE Caloocan campus sa Agosto. (https://www.facebook.com/uecascal)

“Sa gitna ng laganap na cyberthreats at cyberattacks, nais naming bigyan ang mga naghahangad na makapag-aral ng kursong ito ng sapat na karunungan at matibay na kaalaman para labanan at hadlangan ang mga krimeng pinalalakas at tinutulungan ng mga bagong teknolohiya,” paliwanag ng dekano ng UE College of Arts and Sciences-Caloocan na si Michelle Concepcion.

Kabilang sa curriculum ng nasabing undergraduate degree program ang mga paksang cyberspace and cybersecurity, information assurance and security, network and data communication protocols, digital forensics, machine learning in security, at security penetration testing and audit.

Sa isinasagawang malawakang hiring ng Philippine National Police (PNP) taon-taon at pinaigting na pangangailangan ng mga kawaning may kakayanan sa seguridad, bukas ang maraming oportunidad para sa mga nagsisipagtapos ng Criminology sa bansa.

Noong 2023, nagdagdag ang PNP ng 6,000 na tauhan na nagpababa sa ratio ng pulis sa mamamayan mula 1:500 tungo sa 1:125. Nangako kamakailan ang ahensiya na pag-iibayuhin nito ang kapasidad na tumugon laban sa cybercrimes sa pamamagitan ng kinakailangang trainings ng kanilang regional offices at police stations.

Pinababa ng Republic Act 11549 ang minamandatong tangkad ng mga aplikante sa PNP, Bureau of Fire Protection, Bureau of Jail Management and Penology, at Bureau of Corrections mula sa 1.62 metro tungo sa 1.57 metro (5’2″) para sa mga lalaki, at mula sa 1.57 metro tungo sa 1.52 metro (5′) para sa mga babae, samantalang nagkakaloob ng height waiver para naman sa mga aplikanteng mula sa cultural communities o indigenous peoples.

Itinatag noong 1946, ang pribadong institusyong UE ay pinagmulan ng daan-daang libong mga Pilipinong nagsipagtapos at nagtagumpay sa kani-kanilang mga napiling larangan.

About The Author