Nais ni Senate Committee on Health Chairman Christopher “Bong” Go na tiyakin ng pamahalaan na handa ang bansa sa mga kaso pertussis o whooping cough.
Iginiit ni Go na dapat matiyak ng gobyerno na hindi mabibigla ang bansa na nangangahulugang may sapat na kagamitan at mga tauhan na tutugon sa paglaban sa mga communicable diseases na maaaring umusbong lalo na ngayong tag-init.
Sinabi ng senador na bagamat wala namang surge o pagtaas sa bilang ng mga naoospital sa national level, kapansin-pansin pa rin ang biglang pagtaas sa bilang ng mga kaso ng sakit dahilan kaya ang ilang mga LGUs ay nagdeklara ng pertussis outbreak sa kanilang mga lugar.
Binuhay din ni Go ang kanyang panawagan na madaliin na ang pagpapatibay sa panukala para sa pagtatatag ng Center for Disease Control and Prevention at Virology Institute sa bansa.
Dahil sa mga nagsusulputang sakit, naniniwala ang mambabatas na panahon na para magkaroon ang bansa ng sariling CDC na pangunahing magde-detect at tutugon sa mga bago at uusbong pa na banta sa kalusugan, magsasagawa ng scientific research at mangunguna sa pagpapakalat ng mga mahalagang health information sa publiko.