Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagtatatag ng inter-agency committee for right of way activities para sa national railway projects.
Sa Administrative Order no. 19, inatasan ang inter-agency committee na magsagawa ng pag-aaral at bumuo ng mekanismo para sa pagpapabilis ng acquisition ng mga lupa.
Magkakaroon din ito ng koordinasyon sa implementasyon ng railway policies at projects, kaakibat ng pagbuo o pag-apruba ng mga polisiya at programa kabilang ang livelihood, income restoration, at resettlement o paghanap ng malilipatan para sa mga maaapektuhan.
Magsisilbing chairperson ng komite ang kalihim ng Department of Transportation katuwang ang kalihim ng Department of Human Settlements and Urban Development, habang magiging secretariat naman ang Philippine National Railways.
Mababatid na ilan sa priority railway infrastructure projects ng gobyerno ay ang Metro Manila Subway Project, North-South Commuter Railway System, Mindanao Railway Project, at PNR South Long Haul.