Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagbuo ng national organizing council para sa paghahanda sa pagho-host ng Pilipinas sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit 2026.
Sa Administrative Order no. 17, nakasaad na ang council ang magpa-plano, mangangasiwa, at mamamahala sa lahat ng major at ancillary programs, mga aktibidad, at proyekto kaugnay ng ASEAN 2026.
Magsisilbing chairperson nito ang Executive Secretary, habang vice-chairpersons naman ang mga kalihim ng Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Trade and Industry (DTI), at Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Magiging miyembro rin nito ang DILG, DND, DPWH, DOTR, DICT, DOT, DBM, at PCO, habang maaari ring imbitahan bilang special members ang chief executives ng local government units na pagdarausan ng mga aktibidad kaugnay ng regional summit.
Matatandaang napagkasunduan ang pag-takeover ng Pilipinas sa hosting ng ASEAN 2026 mula sa orihinal na host na Myanmar.