Tiwala si Senate Committee on National Defense and Security Chairman Jinggoy Estrada na pinag-aralang mabuti ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang anumang kasunduang pinasok sa China noong siya pa ang lider ng bansa.
Sinabi ni Estrada na bilang chief architect ng foreign policy ng bansa noong mga panahong iyon, kumpiyansa siyang binigyang prayoridad ni Duterte ang pambansang soberanya, territorial integrity at pambansang interest sa sinasabing gentleman’s agreement sa China.
Aminado ang senador na wala siya sa posisyon para kwestyunin ang sinasabing “gentleman’s agreement” na may kinalaman sa BRP Sierra Madre.
Naniniwala aniya siya na ang pagpasok sa anumang kasunduan ay tiyak na dumaan sa masusing policy making process.
Kasabay nito, tiniyak muli ni Estrada na walang pinasok na kasunduan ang kaniyang ama na si dating Pangulong Joseph Estrada para sa pagtanggal ng BRP Sierra Madre.
Iginiit ng senador na haka-haka lamang ang pahayag ukol dito dahil maging ang mga dating defense at security officials na nanilbihan sa ilalim ng pamumuno ng kaniya ama ay itinanggi na ito.