dzme1530.ph

Pagpapataw ng withholding tax at VAT sa cross borders services, pinabubusisi sa Senado

Nais ni Sen. Win Gatchalian na imbestigahan ang pagpapataw ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ng 25% withholding tax at 12% VAT sa lahat ng cross-border services na ibinibigay ng mga non-resident foreign corporations (NRFC).

Nagbabaala si Gatchalian na maaari nitong itaboy ang mga dayuhang mamumuhunan na magsagawa ng kanilang negosyo sa bansa.

Tinukoy ng senador ang BIR Revenue Memorandum Circular 5-2024, na nagsasaad na ang mga serbisyong ibinibigay ng isang dayuhan sa isang Philippine entity ay dapat na buwisan.

Sa kanyang Senate Resolution 955, nais ni Gatchalian na suriing mabuti ang lahat ng mga ini-isyung memorandum ng BIR kung ito ay saklaw pa ng mga batas.

Bilang chairperson ng Committee on Ways and Means, sinabi ni Gatchalian na may posibilidad na ipasa ng dayuhang mamumuhunan na mayroong cross-border services ang ibabayad nitong withholding tax at VAT sa kanilang mga costumer.

Kabilang sa mga pinapatawan ng buwis ang consulting services, IT outsourcing, financial services, telecommunications, engineering at construction, edukasyon at pagsasanay, turismo, at iba pang katulad na mga serbisyo.

About The Author